"Ako Ang Aking Wika." -Stephen Ryan Batistiana

August 11, 2015
By: 
Stephen Ryan Batistiana

(Sabay-sabay na nagnilay ang buong Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila sa akda ni G. Batistiana ukol sa halaga ng wika, habang idinadaos ngayong Agosto ang Buwan ng Wika. Maraming, maraming salamat sa malalim na kasulatang ito, Batits! Si Padre Roque Ferriols SJ, ang pilosopong nagsabi ukol sa mga hindi masasabi. Galing sa kanyang libro ang mga katagang iyon ukol sa “ineffable.”  - Fr. Jboy Gonzales, SJ)

Isang araw, napaisip ako at naitanong ko sa aking sarili: Paano ko ilalarawan sa ibang tao ang lasa ng tsokolate?

Maaari kong sabihing matamis ang lasa ng tsokolate.

Tama naman, ngunit matamis din ang lasa ng hinog na mangga. Dahil pareho silang matamis, paano naiiba ang lasa ng tsokolate at manggang hinog? Mukhang hindi sapat na sabihing matamis lamang ito.

Maaari ko namang sabihing may pinaghalong tamis at kaunting pait ang lasa ng tsokolate. Kaya’t upang malaman ko kung magkapareho ng antas ng lasa ng manggang hinog at tsokolate ay nagdikdik ako ng isang piraso ng ampalaya at inihalo ko ito sa isang hiwa ng manggang hinog.

Matapos kong tikman ito, nasabi kong hindi pa rin sapat ang paglalarawang ito dahil hindi lasang tsokolate ang pinaghalong ampalaya at manggang hinog. Kadiri lang ito.

Kaya paano ko na ngayon sasagutin ang tanong? Alam na alam ko ang lasa ng tsokolate! Alam na alam ko na, ngunit hindi ko tuwirang mailarawan at maipaliwanag.

Ambabaw ’no? Ngunit kung tutuusin, parehong suliranin ang aking haharapin sa mga tanong tulad ng “Bakit maganda ang isang bagay na nagagandahan ako?” o “Bakit mahal ko ang taong mahal ko?”

Alam na alam ko ang sagot, ngunit mahirap sagutin.

Pati ang usapin tungkol sa aking ugnayan sa Diyos ay tila hindi ko rin lubos na maipaliwanag.  Ang pagkilala ko sa Kanya ay napakapersonal, napakalalim at napaka-”akin”. Mahirap ilarawan at ipaliwanag sa iba.

Tulad ng lasa ng tsokolate.Tulad ng lasa ng manggang hinog.Tulad ng kagandahan.Tulad ng pag-ibig.

Natatandaan ko tuloy ang sinabi sa akin ng aking guro sa Pilosopiya. Aniya, “Matapos nating masabi ang lahat nang maaari nating sabihin, ang pinakamahalaga ay iyong hindi natin masabi.”

Kumbaga, basta. Basta alam ko ang lasa ng tsokolate. Basta alam ko ang lasa ng manggang hinog. Basta nagagandahan ako sa magagandang bagay. Basta mahal ko ang mahal ko. Basta kilala ko ang Diyos. Basta!

Kung totoo man ito, ano pala ang silbi ng wika, o ang paraan ng pagpapahayag nang pasalita? Bakit kailangan ko pang alamin, aralin, gamitin at pagyamanin ang isang bagay kung hindi ko naman kayang ipaliwanag nang buo ang nais kong ipahayag?

Dagdag pa rito, bakit kailangan ko pang pahalagahan at ipagdiwang ang ating pambansang wika – ang wikang Filipino?

Sa totoo lang, alam na alam ko naman ang sagot dito. Mahirap nga lang ilarawan at ipaliwanag. Basta! Basta mahalaga ang wikang Filipino.

Pero teka, katamaran din yata ang pagsabi ng “basta”. Kaya kahit hindi masaklaw ng aking paliwanag ang kahagalahan nito, sasagutin ko pa rin ang tanong na, “Bakit mahalaga ang wikang Filipino?”.

Ayon sa linguwistang si Noam Chomsky, ang wika ang naghihiwalay sa atin sa iba pang nilalang. Samakatuwid, ang paggamit ng wika ay isang paraan ng pagpapakatao; ng pagiging tao.

Sa pamamagitan ng pakikipag-usap at pakikipagtalastasan, ako ay nagiging tao – nakikibahagi, nakikipagtagisan, nakikipag-ugnayan at nakikiisa sa iba.

Hindi ko layunin bilang tao na kimkimin lahat ng aking nalalaman, nararanasan at nararamdaman. Hindi ko man masasabi ang kabuuan ng nais kong sabihin, mahalaga pa ring masabi ko ang maaari kong sabihin.

Napagtatanto ko ring ang wikang aking ginagamit, ang aking sinasabi, ay may sinasabi rin tungkol sa aking sarili.

Kumbaga,

Ako mismo ang nagwika.

Ako mismo ang iwinika.

Dahil Ako ang aking wika.

Kung ako ang aking wika, masasabi kong ang aking paggamit ng wikang Filipino ay isang pagpapakita at pagbubunyag ng aking pagka-Pilipino.

Filipino ako kung magsalita, Filipino ako kung kumain ng tsokolate, Filipino ako kung magandahan sa isang bagay, Filipino ako kung umibig at magmahal, Filipino ako kung makipag-usap sa Diyos.

Samakatuwid, ang pagdiriwang ng Wikang Filipino ay pagdiriwang ng pagiging Ako.

Ano ang lasa ng tsokolate para sa akin?

Matamis, hindi nga lang kasintamis ng manggang hinog, ngunit kasintamis ito noong nanalo ako ng Unang Gantimpala sa Spelling Bee noong ako ay nasa ikalimang baitang. May kaunti ring pait, tulad noong namatay ang aso kong si Denden ilang buwan na ang nakalilipas.

Iyon, para sa akin, ang lasa ng tsokolate. Ikaw? Ano ang lasa ng tsokolate para sa iyo?

****

Nagtuturo ng Filipino si G. Ryan Stephen Batistiana sa Ateneo High School sa kasalukuyan. Dito din sa Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila nagtapos si Batits. Ang larawang ito ay kuha sa kanyang Facebook.