MGA PROGRAMA
Iniuugat ng mga programa ng Kagawaran ng Filipino ang edukasyon ng Atenista sa kulturang bayan samantalang pinauunlad din ng mga kaalaman sa panitikan ng mga bayang Silanganin at Kanluranin. Gamit ang pag-aaral ng panitikang Filipino bilang panimulang hakbang, hinuhubog ang mag-aaral na makapagpatuloy sa pagpapakadalubhasa sa Panitikang Filipino, rehiyonal at etniko, upang maging mabisa siyang propesyunal sa mga larang ng edukasyon, pananaliksik at kritisismong pampanitikan at pangwika, malikhaing pagsulat, pagsasalin, komunikasyon, at iba pang kultural na gawain sa loob ng pagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sektor, maging sa mga global at internasyonal na pakikisangkot.
 
AB Panitikang Filipino
Bukas para sa lahat ng mag-aaral sa antas ng kolehiyo. Higit nang nakatuon ang binagong programa ng AB Panitikang Filipino sa mga bagong larang ng pag-aaral na pampanitikan at kultural. Hindi na lamang nakakahon sa mga pag-aaral ng mga anyong pampanitikan at karaniwang kritikal na kategorya ang programa; bagkus, ipinakikilala na rin nito ang mga pag-aaral sa katawan, damdamin at pandama, mga topograpiya, mitopoetika,  performance, diaspora, mga pagsasalin at pag-aangkop, araling siyudad, ekolohiya, mga nilalang at panahon, at iba pang pakikisangkot na interdisiplinaryo ng pampanitikang pag-aaral at kultural.

AB–MA Panitikang Filipino
Isang espesyal na programa na bukas para sa mga mag-aaral na kumukuha ng AB Panitikang Filipino na magpapakita ng kahusayang tapusin nang tuloy-tuloy sa loob ng limang taon ang di-gradwado (AB) at gradwadong (MA) programa. Iniaalok ng Kagawaran ang AB/MA Panitikang Filipino sa mga mag-aaral na nagtamo ng matataas na marka sa antas di-gradwado at nagpamalas ng sigasig na makapag-ambag sa higit na pag-unlad ng pananaliksik sa larang ng Panitikang Filipino.

Minor Panitikang Filipino
Bukas para sa lahat ng mag-aaral sa antas ng kolehiyo, na nais pagyamanin pa ang kanilang kaalaman sa kultura, wika at panitikang Filipino nang higit pa sa itinuturo sa core curriculum. Kinakailangan lamang ang karagdagang 15 unit, katumbas ng 5 kurso, na kukunin sa loob ng Kagawaran ng Filipino. Kabilang sa mga nasabing kurso ang mga introduksiyon sa pampanitikang pag-aaral, teoryang pampanitikan at pangkultura, at postkolonyalismo.