Sumpa

May 21, 2020
By: 
Yolando Jr. B. Jamendang

Noong bata ako, paborito kong libangan ang maghagis ng rebentador sa tabi ng natutulog na aso. Hahahaha! Tawa ako nang tawa sa tuwing makikita kong tumatalon ang aso bago tumakbo palayo. Hahahahaha! sabi ko. Tapos isang araw, hinagisan ko ng rebentador ang aso nina Tata Ote. Hindi naman natutulog yung aso, pero wala kasi akong mahanap na natutulog na aso kaya sa kanya ko na lang inihagis.

Imbes na tumakbo, sinigawan ako ng aso nina Tata Ote. Sinabi niya sa akin ang pinakamasasakit na salitang narinig ko sa buong buhay ko. Sabi niya, Animal ka, hayop! Adik! Pusher! NPA! Dilawan! Bayaran!
Presstitute! At dahil diyan isinusumpa kita! Magiging konduktor ka ng jeep! Tapos kumulog at kumidlat, at nakakita ako ng boksingerong magiging recording artist bago maging senador balang araw. Nawalan ako ng malay.

Magmula noon, sa tuwing sumasakay ako ng jeep, lagi akong napapaupo sa ikalawa o ikatlong upuang pinakamalapit sa driver. Pagkaupo ko, sinumang kaharap ko ay biglang magiging matandang hukluban at makakatulog. O kaya makakatanggap siya ng text mula sa nagbebenta ng condominium unit at kakailanganin niyang tumingin sa selepono niya. O kaya bigla siyang magkakaroon ng kargang baby o chihuahua. Minsan naman, biglang lilitaw ang girlfriend niya at matutulog sa kanyang kandungan. At dahil doon, kapag may nagsabing "Mama, bayad po!" walang ibang mag-aabot sa driver kundi ako.

Hindi ko pinipili ang pagpunta sa upuang yun. Kusa akong dinadala ng paa ko doon. Kahit nakaupo sa dulo ng jeep si Angel Locsin o nakasabit siya, hindi ko siya magagawang tabihan. Painumin mo ako ng Ativan at ihagis sa loob ng jeep, doon at doon sa upuang iyon ako babagsak. Kahit puno na ang jeep at sumakay ako, mahahawan ang landas patungo sa upuang iyon. Ang jeep na pituhan, magiging waluhan. Ang jeep na waluhan, magiging siyaman. Nakaguhit sa palad ng paa ko na dalhin ako malapit sa driver para mag-abot ng bayad ng ibang pasahero.

Kapag nakaupo na ako, magsisimula nang magbayad ang mga pasahero. Una si Passenger 4, right center. Tapos si Passenger 1, left corner. Tapos si Passenger 2, left side. And so on. Basta 'yung tatlong iyon ang laging nauuna. At isa-isa silang nagbabayad, hindi sabay-sabay para isang abutan lang. Laging isa-isa at sinadya ang pacing para maximized ang pagod ko.

Kusang lumalapit ang kamay ko sa nagsabing "Bayad po!". Ganoon rin ang nangyayari kapag sinabi ng driver ang "Sukli o!". Hindi ko ito kailangang isipin. Kahit natutulog ako, gagalaw ang kamay ko para iabot ang bayad at sukli. Kung may hawak akong bag, o groceries, o sanggol, mate-teleport sa katabi ko para malaya akong makapag-abot ng bayad.

Kapag pinipigilan ko ang kamay ko, may nangyayaring hindi maganda. Noong unang beses na hindi ko iniabot ang bayad ng kapwa ko pasahero, sumabog ang bulkang Pinatubo. Kinabukasan paggising ng lahat, natatabunan ng abo ang mga bubong, kalsada, at mga halaman. Hanggang ngayon may lahar pa rin sa Pampanga.

Naisip ko, baka naman coincidence lang. Baka sa panaginip ko lang nangyari ang pagsasalita ng aso nina Tata Ote? May napanood ba akong pelikula na may asong nagsasalita? Hindi naman siguro totoo ang sumpa. Baka nga inimbento ko lang para pagtakpan ang isang traumatic na pangyayari sa aking kabataan.

Pero walang palya e. Sa tuwing hindi ako magkokonduktor sa jeep, may napapahamak. Nagbe-breakdown ang MRT. Nagkakasunog sa Trinoma o kaya umaatake ang mga bubuyog sa Ortigas. Natatalo ang team ng Ginebra San Miguel. Hindi gumagamit ng interpreter ang contestant natin sa Ms. Universe. Mali ang napipili ng lola na kasali sa Pera o Bayong. Naglalabas ng bagong album si Daniel Padilla. Sumasabog ang baterya ng mga bagong selepono ng Samsung. "Yung hiwalayan nina Nadine Lustre at James Reid? Kasalanan ko yun. Sorry.

Hirap na hirap na ako. Naaawa na ako sa mga inosenteng nadadamay. Lalo pa ngayon na pandemya ang naging resulta n'ung huli akong umiwas sa pag-abot ng bayad sa jeep.

Kung sino man sa inyo ang makakakita sa aso nina Tata Ote, sabihin niyo naman sa akin. Gusto ko na siyang kausapin para humingi ng paumanhin, at makiusap na bawiin na niya ang sumpa. Nagbago na ako. Nakikipag-away pa nga ako sa social media pag may nakikita akong nang-aabuso ng mga hayop e. Matagal ko nang napagbayaran ang kasalanan ko sa mga asong hinagisan ko ng rebentador.

Minsan nakikita ko siya sa TV o kaya sa social media, pero walang sumeseryoso sa akin kapag sinasabi kong ang sumpa niya ang nagdadala ng mga problema sa Pilipinas. Kung meron kayong alam, utang na loob, balitaan niyo naman ako. Ganito ang kanyang hitsura:

 
Personal ang alitan namin, pero dahil marami nang apektado, hindi na lang ito tungkol sa akin o sa kanya. Kung sa wakas ay magkita kami pero hindi siya pumayag sa pakiusap ko, nakahanda akong lumaban. Kahit hanggang kamatayan.

Ang akdang ito ay kathang-isip lamang. Ang mga pananaw at opinyon na naihayag dito ay sa may akda lamang at hindi ito nangangahulugang opisyal na pananaw at opinyon ng Paaralan ng Humanidades at ng Pamantasang Ateneo de Manila.