'Labi' atbp: Mga Librong Katha ng mga Manunulat Mula sa Ateneo Press

August 24, 2018

Bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, nagtala kami ng ilang mga nailimbag na libro mula sa Ateneo University Press. Pawang mga miyembro ng Paaralang Humanidades ang may-akda ng mga sumusunod na libro.

Labi ni Kristin Sendon Cordero

“Kung may sikmura ang kaluluwa, doon ka sisikuhin ng matatalas na taludtod ni Kristian Cordero. Pinaghalong haba ng kay Inang prusisyon at haplit ng bulkang Mayon ang kung baga sa sugat ay hindi maampat na pulandit ng kanyang imahinasyon. Alam na alam mong anak siya ng ngangayunin at bagyuhing Bicol, ngunit damang-dama mo rin na kainuman niya ang mga musa sa ibang daigdig, sa ibang panahon. Tagapuna at tagapunas ng bayani at banal, tagapagtanggal ng peluka ng relihiyon at rebolusyon—ito ang maamong kordero na walang sinasanto.”

—Albert E. Alejo, SJ

Halina Sa Ating Bukas ni Macario Pineda

“Ang Halina sa Ating Bukas ay isang paanyaya upang bigyang-buhay pa ang mga posibilidad na bumuo sa ating buhay at karanasan bilang mamamayan sa isang partikular na lipunan.”

—Mula sa Introduksiyon ni Soledad S. Reyes

Narkotiko at Panganorin ni Allan Popa

“Ang koleksyong Narkotiko at Panganorin ni Allan Popa ay naghahapag ng bagong mga hamon para sa mga makata, mambabasa, at kritiko. May sapat nang tibay at pundasyon ang kanyang mga akda upang maging tungtungan ng mayaman at masigabong kritikal na literatura.”

— Ramon Guillermo

Kapag Natagpuan Kita ni Rofel G Brion

“Rofel G Brion’’s poems are signposts to the kindred, little notes to other friends, to beloved family members, musings and ref lections on the spirit and also, quite naturally, prayers. The Tagalog poems in Kapag Natagpuan Kita/Once I Find You will read the way they were intended by the poet. As for the translations, they are attempts to find literal, word-for-word workings, a result of collaboration between two writers who are also very good friends.”

— From the foreword by Noelle Q de Jesus

Kritikal na Espasyo ng Kulturang Popular nina Rolando B. Tolentino at Gary C. Devilles

“Mga pelikula, game shows, artista.  Ilan lamang ito sa makulay na sangkap ng kulturang popular sa Filipino ngayon.  Isasama ka ng Ang Kritikal na Espasyo ng Kulturang Popular papunta sa mundong kinawiwilihan ng masa tungo sa paggalugad sa mga pananaw kaugnay sa kapitalismo, patriyarka, seksuwalidad at iba pa.  Sa pamamagitan ng mga sanaysay ng mga pinagpipitaganang manunulat, nakapaghahain ang aklat ng malinaw at mapanuring sipat sa kulturang popular sa Piipinas na lagpas sa pagiging ‘hype’ nito upang magagap ang malawak nitong mundo.” (salin ni Dr. Jerry Respeto)

Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo

“Dalawampu’t isang maikling kuwento na inakda ng mga di-nagmamaliw na kuwentista sa Tagalog. Kasama rito ang ‘Uhaw ang Tigang na Lupa,’ ‘Banyaga,’ ‘Babae,’ at ‘Iro: Sabungero.’ (salin ni Dr. Jerry Respeto) 

Sangkatauhan, Sangkahayupan ni Alvin B. Yapan

“Walang kamangha-mangha sa labo-labong at halos likas na tambalan at talaban ng mito at reyalidad, ng di-tunay at katotohanan, ng talulikas o sobrenatural, at pang-araw-araw o karaniwan, sa bansang Pilipino na mababalangkas sa mga naratibo ni Yapan ... Pinanunumbalik ng mga ito ang nawawalang at nakakalimutang Kasaysayan na magbibigay-katuturan sa mga laberinto at metamorposis ng sangkatauhan at sangkahayupang Pilipino.”

— mula sa Pambungad ni Oscar V. Campomanes

Sulyap sa aking Pinanggalingan ni Roque J. Ferriols, SJ

Hinanap ni Padre Roque J. Ferriols, S.J. ang katotohanan gaya ng tao na sumasakay sa dyip. Ang kanyang biyahe ay nag-iiwan ng marka sa pook na pinag-ugatan ngunit nagbubunyag ng bagong kabatiran, kung hindi man pag-asa sa mithing paroroonan. Ang paglalakbay niya sa pilosopiya ay pagdama sa paligid, at itinuturo ang talinghaga ng taal na karunungan at kaliwanagan. Siya na humubog sa kamalayan ng daan-daang estudyanteng pagkaraan ay tatanghaling pasimuno sa pag-unlad sa lipunan ay huhubugin din nila para mapiga ang dalisay at ganap sa kanyang kalooban bilang guro.

*Paglalarawan at mga sipi galing sa Ateneo University Press.