Dalawang Pagninilay sa Kaalaman at Kamangmangan
Pambansang halalan na sa susunod na taon, at kasabay ng mga ilegal na pangangampanya ng ilang potensiyal na kandidato ay naririnig na rin natin ang pamilyar na islogang “We must educate our voters.” Ayon sa mga tagapagsulong ng islogang ito, salat sa kaalaman ang mga botante, at kailangan nila ng sapat na kaalaman upang makagawa ng informed decision. Samakatwid, ang isyu, para sa kanila, ay ang kamangmangan ng mga botante. (Kailangan linawin na ang kamangmangan ay hindi panlalait sa kakayahan ng táong umalam at umunawa, ngunit isang paglalarawan na wala siyang alam tungkol sa isang partikular na paksa. Kahit ang pinakamatalinong propesor ay maaaring mangmang sa kung paano mag-online shopping—maaaring wala siyang alam sa online shopping.) Subalit problematiko ang ganitong pananaw para sa akin. Narito ang dalawang pagninilay ukol dito.

Una, karaniwang maririnig ang islogang ito mula sa mga tagasuporta ng natalong kandidato (pangalanan nating X). Sa palagay nila, mangmang at hindi makatwiran ang mga táong hindi bumoto kay X. Ipinagpapalagay ng ganitong pananaw na ang sariling katwiran lámang ang tamang katwiran, at sinumang di sang-ayon ay ituturing na di-makatwiran, ilohikal, at mangmang. Samakatwid, kapag ang tagasuporta ni X ay nagwikang “We must educate the voters,” sinasabi na rin niyang “Mangmang ang mga hindi bumoto kay X; wala silang sapat na kaalaman noong bumoto sila.” Subalit lahat ng tao ay kumikilos ayon sa katwiran, ayon sa isang sistema ng pagpapasiya at pagpapahalaga na maaaring natatangi sa kanila.[1] Tiyak akong may dahilan ang ibang tao kung bakit si Y, sa halip na si X, ang kanilang ibinoto, at maaaring hindi ito tugma sa katwiran ng mga bumoto kay X. Iba ang kanilang katwiran, ngunit hindi ibig sabihin na hindi sila nangatwiran.
May panganib na maging elitista ang ganitong pananaw. Mahihinuha na itinuturing ng mga nagwiwikang “Educate our voters” ang kanilang sarili bilang edukado, na sila ang may kaalaman at itong kaalamang ito ang kailangang malaman ng mga itinuturing nilang mangmang. At paano ba bumoboto ang mga “di-edukado”? Kadalasan, ang mga mahihirap na ipinanganak sa mahirap na pamilya ay madaling maakit na mabentahan ng boto dahil kailangan nila ng pera, o kayâ naman, ang iboboto nila ay mga pamilyar na pangalan dahil iyon ang nakikita nila sa TV dahil malamang wala silang koneksiyon sa Internet at hindi nila nakikita ang impormasyon tungkol sa mga kalapastanganan ng mga táong iyon. Hindi nila nauunawaan ang wika ng mga edukado at kung ano ba ang kongkretong kahulugan ng “democracy”, “human rights”, “inflation”, atbp dahil ang pangunahing iniisip nila ay kung may makakain ba sila ngayong araw. Samantalang ang mga edukadong nakapamumuhay nang maginhawa ay may panahon at pagkakataong pag-isipan kung sino ang kandidatong pinakamainam mamuno nang hindi naaakit sa mga panandaliang suhol. Samakatwid, ang pagkakaroon ng kaalaman at ang panahong mangatwiran ay isang pribilehiyo. Hindi makatarungang ituring ang kaalamang at katwirang natamo sa pribilehiyo bilang “mas nakaaangat” kaysa ibang kaalamang at katwirang naubog ng kawalan ng pribilehiyo.
Ikalawa, may mas malalim na suliranin sa kamangmangan. Lahat ng tao’y mayroong kani-kaniyang kamangmangan dahil hindi tayo Diyos na alam ang lahat ng bagay. Kung kamangmangan lámang ang problema, malulutas ito sa pagbibigay ng impormasyon sa mga táong wala nito, isang simpleng bagay na lang sana sa panahon na tinaguriang Information Age. Ngunit nabanggit na natin na pribilehiyo ang pagkakaroon ng access sa impormasyon: kailangan mong magbayad para sa WiFi o mobile data, at kailangang magsanay upang matuto sa mga estratehiya ng pananaliksik gamit ang Google at iba’t ibang sanggunian. At isa pa, kahit ang mga táong nakakikita ng impormasyong taliwas sa kanilang pinaniniwalaan ay hindi naman agad-agad makukumbinsing mali ang kanilang pinaniniwalaan. Samakatwid, hindi sapat ang hamak na pagkakaroon ng impormasyon at kaalaman; hindi sapat na lunas ang pagtugon sa kamangmangan.
Nais kong hiramin kay José Medina ang konsepto ng “aktibong kamangmangan” (active ignorance)[2] upang tangkaing ilarawan ang, sa tingin ko, mas malalim na suliranin ng ating lipunan kaugnay ng impormasyon at kaalaman. Ipinapahiwatig ng katagang “aktibo” ang pakikilahok ng tao sa kaniyang kamangmangan; káya niyang ipagtanggol at panatilihin itong kamangmangan kayâ hindi ito basta-basta malulunasan ng pagbibigay ng kaalaman. Malalim ang pagkakaugat ng aktibong kamangmangan sa lipunan at kultura na siyang humuhubog dito.
Ang pagiging panatiko para sa isang kandidato ay halimbawa ng aktibong kamangmangan. Maingat na pinipili ng ganitong tao ang ituturing niyang “ebidensiya.” Agad-agad niyang paniniwalaan ang mga impormasyon pabor sa kinikilingang kandidato, at hindi niya sinusuri o pinapansin man lang ang mga impormasyong taliwas sa kaniyang paninindigan. Hindi sapat ang kahit ilang kontraebidensiya para pabulaanan ang pinaniniwalaan ng isang táong aktibo sa pagkamangmang sapagkat makakahanap siya parati ng paraan upang depensahan ang sariling pinaniniwalaan. Marahil na angkop ang kadalasan nating sinasabing matigas ang ulo para ilarawan ang ganitong tao.
Gumagana ang aktibong kamangmangan sa maraming isyu sa ating kultura at politika: sa paniniwalang tamad ang mga mahihirap, sa pagiging bulag sa sariling pribilehiyo, sa pagkiling sa unang nasagap na tsismis at pagturing dito bilang tanging katotohanan, sa victim-blaming sa mga nagagahasa at nababastos. Umiiral din ito minsan sa mga personal na relasyon, tulad ng pagiging bulag sa mga pang-aabuso ng kasintahan o asawa na humahantong sa pangga-gaslight ng sarili. Edukado man o hindi, may kaya o wala, lahat ay maaaring maging aktibo sa kanilang kamangmangan.
Hindi hamak na kamangmangan ang higit na suliranin kundi ang kawalan ng kamalayan sa ating kamangmangan. Madalas, hindi tayo aminado sa kakulangan ng ating pag-unawa, kayâ nakalilikha ang ating kahambugan ng kakayahang ipagtanggol ang kaniyang sariling kamangmangan. Minsan, kinukunsinti at pinatitigas lalo ng lipunan ang ating ulo: “Sapagkat ganito ang paniniwala at pag-unawa ng karamihan, marahil tama nga ako.” Ang ganitong katigasan ng ulo, sa palagay ko, ang isa sa mga malalim na ugat ng problematikong pag-iisip ng mga tao, at maaari itong dumapo sa lahat ng tao, anumang uri, kasarian, at edukasyon.
Imahe mula kay hay s sa Unsplash.
The views and opinions expressed in this note are the author’s own and do not necessarily reflect those of the School of Humanities and/or the Ateneo de Manila University.