Examen Patungkol sa Traditiones Custodes
Mainit na usapin sa mga Katoliko sa Estados Unidos ang motu proprio ni Papa Francisco na Traditiones Custodes na naglalayong ilagay sa kamay ng mga obispo ang pagpapahintulot sa pagdiriwang ng tinatawag na Tridentine Mass o Extraodinary Form. Ito ang anyo ng Misa bago ang kasalukuyang anyo (Novus Ordo, Ordinary Form) na bunga ng mga pagbabagong ipinanukala ng Vatican II. Bagamat mas matunog ang usaping ito sa nasabing bansa, may mga Pilipinong Katoliko rin ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa nasabing dokumento.
Ayon sa dokumento ang pagpapalawig ng pagkakaisa sa Simbahan na nilalayon ng naunang pahintulot (motu proprio: Summorum Pontificum, 2007) ng papa emerito, Benito XVI, ay tila ba nakompromiso. Sa pananaw ng Traditiones Custodes, tila ba nagpalala ang pahintulot ng papa emerito sa sentimyento ng mga Katolikong ayaw sumunod sa mga reporma ng Vatican II. Ang isa sa mga pagbabago na madalas batikusin ng mga ito ay ang karaniwang anyo ng Misa kung saan ang wikang ginagamit ay katutubo at ang pari ay nakaharap sa mga tao.

May mga naniniwalang nabawasan o nawala raw ang pagiging sagrado ng pagdiriwang; may mga naniniwala rin na impluwensya umano ang bagong anyo ng mga heretikong pananaw na nakapasok umano sa simbahan. Sabi naman ng iba, mas marami raw ang bumalik sa simbahan dahil sa pagdiriwang ng Extraordinary form. Sa panig naman ng karaniwang anyo, may mga nagsasabing mas naunawaan nila ang mga nagaganap sa Misa. Mas nabibigyang pansin din umano ang Bibliya dahil sa mas maraming bahagi na nito ang nababasa dahil sa bagong leksyonaryo (ang aklat na naglalaman ng mga teksto mula sa Biblia na binabasa sa Misa). Sa gitnang panig naman, may mga Katolikong naniniwala na kung ano ang anyo ng Misa ang mas nakatutulong sa paglago ng pananampalataya, malaya tayong piliin na iyon ang daluhan.
Sa kasalukyuan, mainit ang bangayan ng magkabilang panig sa social media. Dahil dito, ang pagkakaisa ng mga mananampalataya na nilalayong isulong ng dalawang motu proprio ay tila mas lalong nalalagay sa alanganin. Sa mga ganitong panahon naaangkop ang pagtahimik at pag-atras para magsuri ng budhi. Para sa mga nagbabangayang panig iminumungkahi ko ang dalawang sumusunod na mga punto para sa examen.
Una, kung kaharap mo si Jesus ngayon at sinabihan ka niya na isuko ang pinakamamahal mong anyo ng Misa (Ordinary o Extraordinary), ano ang mararamdaman mo? Ang emosyon na maaaring lumabas dahil sa ganitong katanungan ay maaaring makatulong sa ating matukoy kung ano ang nagtutulak sa ating pahalagahan ang isang anyo ng Misa. Ito ba ay dahil sa pagmamahal sa Diyos? Sentimentality? Ego? Attachment? Nostalgia?
Pangalawa, ang iyong pinapanigan at pinahahalagahang anyo ba ay nagtutulak sa iyo na maging mapagmahal at bukas-palad sa kapwa. Kasi kung hindi, baka ito ang mga marinig nating salita mula sa Panginoon, “Namumuhi ako sa inyong mga handaan, hindi ako nalulugod sa inyong mga banal na pagtitipon” (Amos 5:21). Hindi lang dapat ang dami ng taong bumabalik sa simbahan at ang kasarapan sa pakiramdam ang dapat gawing batayan. Dapat ring tingnan ang bilang ng “lumalabas” ng simbahan upang maglingkod sa kapwa. Kasi sa bandang huli, ang Misa ay tinatawag na “misa” dahil sa dulo nito ang mga dumadalo ay binibigyan ng “misyon.” Ang sabi ng pari sa katapusan ng Misa, “Ite, missa est – humayo ka, ikaw ay isinusugo.”