University President Releases Another Statement on Quo Warranto
17 Mayo 2018
Memo sa : Ating komunidad
Paksa : Muli, quo warranto
Marami ang nababalisa sa naging desisyon ng Korte Suprema tungkol sa proseso ng quo warranto na ginamit para sabihing hindi karapat-dapat manungkulan si Gng Maria Lourdes Sereno bilang Chief Justice. Simple lamang ang paniwala ng mga tumututol sa desisyon ng Korte: kung may paglabag si Gng Sereno sa taumbayan, kung may pagdududa sa kanyang integridad, pagkamatwid o kakayahang mamuno, dapat itong isampa sa tamang lupon ayon sa prosesong itinalaga ng ating Saligang Batas. Sa Lehislatura dapat pagsampahan nito. Nagmadali ang Korte sa quo warranto, isang teknikalidad na ginamit at minaneobra para patalsikin ang isang opisyal na maaaring matanggal lamang sa proseso ng impeachment.
May pagkakataon pa na itama ang pagkakamaling ito. Nananawagan ako sa inyo na hikayatin natin ang Korte at ang taumbayan na suportahan ang Motion for Reconsideration na ihaharap sa Korte Suprema sa susunod na mga araw. Himukin din natin ang Lehislatura na ipahayag at igiit ang kanilang karapatan at autoridad ayon sa Saligang Batas upang masimulan sa lalong madaling panahon ang proseso ng impeachment.
Binatikos ng ating Panginoong Hesus ang mga Pariseo at Eskriba sa kanilang bulag at makitid na pagsunod sa letra ng batas. Ang tamang pagsunod sa batas ay pagsunod sa letra at diwa nito. Sundan lang natin ang tamang proseso ayon sa pinakadiwa ng batas upang hindi tayo malihis ng landas.
Sa lahat ng ito, huwag nating hayaang mawalan tayo ng loob sa ating pagsisikap na pagtibayin ang kalayaan ng Hudikatura at ang prinsipyo ng checks and balances ng mga sangay ng pamahalaan ng Republika. Tawag ng panahon na itaguyod natin ang tunay na demokrasya.
Jose Ramon T Villarin SJ
Pangulo
Pamantasan ng Ateneo de Manila