PAHAYAG MULA SA MGA NAGMAMALASAKIT NA GURO NG ASHS UKOL SA MARAHAS NA IMPLEMENTASYON NG WAR ON DRUGS
Ika-21 Ng Agosto, 2017
Mariing kinokondena ng kaguruan ng Ateneo de Manila Senior High School ang pagsasalaula sa halaga ng buhay ng tao sa marahas na implementasyon ng tinaguriang “War on Drugs” ng kasalukuyang administrasyon.
Iisa lamang si Kian Loyd D. delos Santos, 17 taong gulang, sintanda ng marami sa aming mga mag-aaral, sa libo-libong mga buhay na nakitil dahil sa marahas na kampanya laban sa droga kung saan ang mga pangunahing biktima ay ang mga mahihirap nating kababayan.
Binibigyang-halaga naming mga guro sa aming pagtuturo sa isang Katoliko, Heswita at Filipinong paaralan ang katotohanang nilikha tayo ng Panginoong Diyos upang pagsilbihan at mahalin Siya at ang isa’t isa. Ito rin ang pagpapahalagang ibinabahagi namin sa aming mga mag-aaral kung saan tinatawag silang maging mga Tao-Para-Sa-Kapwa, mga taong gumagamit ng talino, kaalaman, at kakayahan upang makatulong sa pagbuo ng isang lipunang makatarungan, payapa at nagmamahalan.
Taliwas sa aming pagtuturo at pagpapahalaga ang maling pagtingin sa kalagayan ng mga taong lulong sa droga, hindi pagbibigay ng “due process” sa mga akusado, paggamit ng pananakot at pananalitang nagiging daan sa pagbuo ng kultura kung saan nababalewala ang buhay ng bawat tao.
Dahil sa mga ito, nararapat lamang na punahin ang Pangulo at iba pang opisyal ng pamahalaan sa mga pagkakataong hindi nila pinaiiral ang “rule of law” at “due process”, at sa tuwing nanghihikayat sila sa kapulisan o sinuman na pumatay sa pamamagitan ng salita at gawa.
Hinihikayat namin ang ibang mga institusyong pang-akademiko at ang bawat mamamayan na magkaisa at magpahayag ng pagkondena sa mga pang-aabusong nagaganap sa ngalan ng "War on Drugs", at sa bawat kilos ng pamahalaan na nagpapalawig dito.
Inaanyayahan din ang komunidad ng Ateneo de Manila Senior High School na:
1. patuloy na suriin at pagnilayan ang mga isyung kaugnay ng “War On Drugs” sa loob at labas ng silid-aralan upang makapagbigay ng akma, makatarungan at makataong tugon,
2. suportahan ang mga gawain ng paaralang nanghihikayat sa komunidad na maging mulat, malay at sangkot, at
3. patuloy na manalangin bilang isang komunidad para sa kapayapaan sa ating bansa.
Para sa higit na ikaluluwalhati ng Diyos!